Wala pa umanong indikasyon na nakikita ang US Defense Department na isang pag-atake ang nangyari sa malakas na pagsabog na yumanig sa Beirut, Lebanon at kumitil sa buhay ng 78 katao.
Kasunod ito ng nakarating daw na impormasyon kay President Donald Trump mula sa nasabing departamento na tila isang pag-atake ang nangyaring insidente.
Ayon sa mga hindi nagpakilalang opisyal, hindi raw nila alam kung saan nakuha ni Trump ang impormasyong ito dahil kung may nakita man silang patunay na isa itong pag-atake sa rehiyon ay magdudulot umano ito ng paghihigpit sa proteksyon ng US troops at assets sa Lebanon.
Bago ito ay nagpaabot na rin ng simpatya ang Republican president sa mamamayan ng Lebanon na lubhang naapektuhan sa pagsabog. Nakahanda ring tumulong ang Amerika sa naturang bansa.
“According to them – they would know better than I would – but they seem to think it was an attack. It was a bomb of some kind.” saad ni Trump sa isang press conference sa White House.
“Our prayers go out to all the victims and their families. The United States stands ready to assist Lebanon,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Lebanese Prime Minister Hassan Diab na aabot ng 2,750 tonelada ng ammonium nitrate ang anim na taon nang nakatago sa warehouse na sumabog.
Ang ammonium nitrate ay ang pinakamahalagang sangkap ng fertilizer at iba’t ibang uri ng pampasabog. Matagal nang ginagamit ang substance na ito upang magsagawa ng mga terror attacks, tulad ng pagpapasabog sa Alfred P. Murrah Federal Building sa Oklahoma City noong 1995.