Dinagdagan pa ng Estados Unidos ang patung-patong na kaparusahan na ipinataw nito sa Russia dahil pa rin sa naging pagsalakay nito sa Ukraine.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Washington na nagpataw pa ito ng mga bagong parusa sa dose-dosenang Russian defense companies, daan-daang miyembro ng parliament nito, at sa punong ehekutibo ng pinakamalaking bangko sa bansa.
Bukod dito ay naglabas din ng guidance sa kanilang website ang U.S. Treasury Department na nagbibigay ng babala na ang mga gold-related transaction na kinasasangkutan ng Russia ay maaaring maparusahan ng mga awtoridad ng Amerika.
Ito ay bilang isang hakbang na naglalayong pigilan ang Russia sa pag-iwas sa mga umiiral na parusa.
Samantala, sinabi ng isang senior administration official na layunin nito na alisin ang benepisyo at pribilehiyong tinamasa ng Russia bilang bahagi ng international economic order.
Magugunita na una nang pinatawan ng Estados Unidos at mga kaalyado nito ng maraming sanctions ang Russia, kabilang na ang largest lenders ng bansa at si Russian President Vladimir Putin.