Pansamantalang ipinagpaliban ng UAAP ang lahat ng kanilang sporting events simula sa darating na Sabado, Pebrero 15, bunsod pa rin ng banta ng coronavirus disease (COVID-2019).
Anunsyo ito ng liga ngayong Miyerkules, isang araw makaraang ipagmalaki na “all systems go” na ang UAAP volleyball tournaments na magsisimula ngayong weekend.
Sa pahayag ng liga, nabuo ang pasya noong Martes ng hapon matapos ang “thorough deliberation” ng UAAP board of trustees managing directors.
“The University Athletic Association of the Philippines upholds, in the highest regard, the well- being, health and safety of the League’s community – players, coaches, students, their families and fans in general,” saad sa pahayag ng liga.
Ito aay pagsunod na rin sa mga abiso mula sa Department of Health at Commissioner on Higher Education, na ibig sabihi’y ililipat sa ibang petsa ang opening ng volleyball tournament.
Magbubukas din ngayong buwan ang iba pang mga tournaments gaya ng men’s football (Pebrero 16), softball (Pebrero 17), seniors baseball (Pebrero 19), athletics (Pebrero 19-23), at judo (huling linggo ng Pebrero) pero ipinagpaliban muna ito kasama ng playoffs sa high school beach volleyball at basketball tournaments.
Habang ang fencing meet at high school boys’ football matchday ay tuloy ngayong linggo.
Sinabi ng liga na mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon sa bansa upang madetermina raw kung kailan nila itatakda ang resumption ng mga laro.
“We ask for your understanding and your prayers for the safety of our community, our nation and all countries affected by this outbreak.”