-- Advertisements --

Nakapagtala na ang Estado Unidos ng unang kaso ng Omicron variant ng COVID-19.

Ayon sa US Centers for Disease and Prevention (CDC), nagmula sa South Africa ang indibidwal na dumating sa California noong Nobyembre 22.

Inaalam pa nila kung naturukan na ito ng booster shots dahil sa inisyal na impormasyon nila ay ito ay “fully vaccinated” na .

Agad na rin itong naka-quarantine at nagsasagawa na ang US CDC ng contact tracing sa mga nakasalamuha nito.

Samantala, inanunsiyo na rin ng United Arab Emirates (UAE) at Saudi Arabia na mayroon na silang naitalang unang kaso ng COVID-19.

Ayon sa mga health officials ng UAE na isang babaeng African na nanggaling sa Africa ang dumating sa UAE.

Isa namang Saudi national ang bumiyahe rin sa North African country ang nagpositibo rin sa Omicron variant ang naitala sa Saudi Arabia.

Dahil dito, hinikayat ng Saudi ministry ang mga mamamayan na kumpletuhin ang pagpapabakuna at inatasan ang mga pasahero na igalang ang self-isolation at testing rules ng mga bansa na kanilang pinupuntahan.

Magugunitang unang naiulat ang Omicron noong Nobyembre 24 sa southern Africa kung saan mula noon ay bumilis ang pagtaas ng kaso nito.