Nakaganti na si Dustin Poirier sa unang pagkabigong nalasap nito sa kamay ni Conor McGregor makaraang ma-knockout nito ang Irish fighter sa ikalawang round ng kanilang rematch sa main event ng UFC 257 na ginanap sa Etihad Arena sa Yas Island, Abu Dhabi.
Pagputok ng bell, kaagad na umatake si McGregor gamit ang ilang sipa at suntok.
Gumati naman ng takedown si Poirier matapos ang ilang minuto sa unang round kung saan inipit nito si McGregor sa gilid ng cage.
Pagsapit ng ikalawang round, kapwa bumato ng maraming sipa ang magkalaban, ngunit mistulang nanaig ang leg kicks ni Poirier na sinalo nang husto ni McGregor.
Tila nabigla si McGregor sa big left hand na pinakawalan ng US fighter, na sinundan pa ng sunod-sunod na suntok.
Dahil dito, napilitan ang referee na itigil ang laban sa 2:32 marka ng Round Two.
Bunsod ng panalo, naitala ni Poirier ang 27-6 kartada, habang bumulusok sa 22-5 si McGregor.