VIGAN CITY – Naniniwala si dating Ilocos Sur Governor at ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson na si UFC star Conor McGregor ang dapat na unahin ni Sen. Manny Pacquiao sa oras na maaari na itong bumalik sa boxing.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Singson na kailangang si McGregor muna ang makaharap ni Pacquiao bago nito hamunin ang retirado nang si Floyd Mayweather Jr.
Pero giit ni Singson, wala raw panama sa Fighting Senator ang Irish fighter, na kung tutuusin ay kakarampot lamang ang karanasan sa boxing.
Kaya tingin ng alkalde, madali lamang itong pababagsakin ng eight-division world champion kung sakaling matuloy ang kanilang pagtutuos.
Una rito, sinabi ng business manager ni Pacquiao na si Arnold Vegafria, mas malaki na raw ang tsansa na magtuos ang dalawa dahil parehas na silang nasa ilalim ng Paradigm Sports Management.
Nagpahiwatig na rin noon si Pacquiao na interesado siyang kagatin ang hamon ng MMA superstar.