-- Advertisements --

Kampante si Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na mananatiling matatag ang ugnayan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas sinuman ang mahalal na Pangulo sa 2024 US Presidential elections.

Aniya, hindi magkakaroon ng malaking pagbabago sa mga polisiya ng Amerika pagdating sa alyansa nito sa ating bansa.

Ayon sa PH envoy, naka-usap niya pareho ang kampo ng 2 presidential candidates na sina dating US Pres. Donald Trump at VP Kamala Harris at siniguro aniya nilang magiging pareho pa rin ang foreign policy ng Amerika.

Ipinunto rin ni Ambassador Romualdez na mahalaga para sa Pilipinas ang magiging susunod na Pangulo ng Amerika at ang kaniyang magiging foreign policy.

Gayundin din aniya ang usapin sa economic ties ng PH sa Amerika lalo na ngayong mataas ang foreign investments sa ating bansa.

Pagdating naman sa isyu sa West Philippine Sea, kung dapat bang mabahala sa magiging stand o posisyon ng bagong US president, sinabi ni Amb. Romualdez na ang US military na Pentagon ang kaniyang kausap pagdating sa usaping ito.

Aniya, ang WPS ay mutual interest ng Amerika at PH. Bagamat binigyang diin ng opisyal na mahalaga ang kalayaan sa paglalayag sa disputed waters na dapat aniya ay walang anumang bansa ang may kontrol dahil trilyong dolyares na halaga ng mga kalakal ang dumadaan sa naturang karagatan kung saan maapektuhan kung sakali ang US.