-- Advertisements --

Binalaan ng US at UK ang kanilang mamamayan na kasalukuyang nasa Kabul airport ng Afghanistan dahil sa mataas na banta ng terrorist attack.

Kabul Afghanistan US taliban evacuation

Sa inilabas na abiso mula sa US State Department, pinayuhan ang mga US citizen na nag-aantay sa ilang gates ng Hamid Karzai International Airport sa Kabul na agad lisanin ang lugar at iwasang magpunta sa naturang paliparan maliban na lamang kung may hiwalay na instruction mula sa US government para sa kanilang evacuation.

Agad din na naglabas ng kaparehong security warning ang Foreign Commonwealth and Development Office ng UK.

Lumutang ang naturang security warning kasunod ng babala ng US military at intelligence analyst sa pinaplano umanong multiple attack ng teroristang grupo na ISIS-K na matinding kalaban ng Taliban at Amerika, sa may Kabul airport kung saan libu-libo pang mga foreign nationals at Afghans ang kasalukuyang nagtitipon-tipon upang makaalis.

Tumindi pa ang pangamba sa banta ng terror attack matapos na mahigit 100 bilanggo na loyal sa affiliate ng ISIS sa Afghanistan ang nakatakas mula sa dalawang jail malapit sa Kabul.

Nauna ng inamin nitong Martes ni President Joe Biden ang plano na teroristang grupo sa target na pag-atake sa airport at sa US at sa allied forces nito kabilang na ang mga inosenteng sibilyan kasunod ng pag-atras ng Amerika na palawigin pa ang evacuation deadline sa August 31.

Kasalukuyang nasa 5,800 US troops at 1,000 UK troops ang naka-deploy para depensahan ang seguridad sa paliparan sa Kabul. (with reports from Bombo Jane Buna)