Inihayag ni United Kingdom Foreign Secretary Dominic Raab na inaaral na nila ang pag-aalok ng British citizenship para sa mga British National passport holders sa Hong Kong.
Ang naturang hakbang ay bilang tulong umano ng Britanya sa Hong Kong sa oras na hindi suspendihin ng China ang plano nitong pagpapatupad ng national security bill sa naturang rehiyon.
Sa kasalukuyan ay mayroong 300,000 British National overseas (BNO) passport holders sa Hong Kong. Dahil dito ay maaari silang bumisita ng UK sa loob ng anim na buwan na hindi kinakailangan ng visa.
Una nang kinondena ng Britanya, Estados Unidos, Australia at Canada ang nasabing panukala ng Beijing.
Ayon sa mga ito, parang binasura na rin ng China ang “one country, two systems” framework na napagkasunduan bago pa ilipat ng Britanya sa China ang pangangasiwa sa Hong Kong noong 1997.
Saad pa ni Raab, posible raw na na baguhin ng United Kingdom ang naturang polisiya kung ipagpapatuloy ng China ang isinusulong nitong lehislatura sa Hong Kong.
“We will remove that six month limit and allow those BNO passport holders to come to the UK and to apply to work and study for extendable periods of 12 months and that will itself provide a pathway to future citizenship,” ani Raab.
Noong nakaraang taon ay mahigit 100,000 residente ng Hong Kong ang pumirma sa petisyon kung saan nananawagan ang mga ito ng kabuuang karapatan para sa British citizenship ngunit ayon sa British government tanging UK citizens at Commonwealth citizens lamang ang maaaring magkaroon ng karapatan sa UK.