Nakisawsaw na rin si United Kingdom Prime Minister Boris Johnson sa usapin ng Saudi Aramco attack matapos nitong ihayag na naniniwala umano ang kaniyang bansa na Iran ang nasa likod ng pag-atake.
Ayon kay Johnson, malaki raw ang posibilidad na may kinalaman ang Tehran sa pagpinsala sa halos kalahati ng crude production ng Saudi Arabia at nagdulot ng takot para sa lahat.
Dagdag pa nito, hindi pa umano siya nakakaisip ng hakbang upang makatulong ngunit iminungkahi nito sa Estados Unidos na mag-isip pa ng mas maraming paraan upang depensahan ang Saudi.
Sa oras na humingi ng back-up hinggil sa military action ang Saudi o US ay buong loob umano na tutulong ang UK sa dalawang rehiyon.
Ani Johnson, posible rin na patawan na lamang ni American President Donald Trump ng panibagong sanctions ang Iran.
Samantala, wala raw rason na nakikita si Iranian Foreign Minister Mohammad Zariff upang makipag-usap sa United States.
Binigyang-diin nito na saka lamang siya makikipagpulong kasama si Trump sa oras na maging handa ang American president na makapaglatag ng permanenteng solusyon ukol sa kanilang problema.