Ibinahagi ng genomic scientists sa isang news briefing na may hindi pangkaraniwang mataas na mutations ang bagong variant ng COVID-19 na na-detect sa South Africa na tinawag na B.1.1.529.
Batay kay Professor Tulio de Oliveira, director ng Center for Epidemic Response and Innovation, mas maraming mutations ang naturang variant kaysa sa inaasahan at mabilis itong naihahawa kung saan inaasahang magkakaroon ng epekto sa health system sa mga susunod pang araw at linggo.
Nagpahayag ng pagkabahala ang health expert na maaring magresulta ang mutation sa immune evasion at pag-enhance ng transmissibility ng virus.
Subalit maaga pa raw para matukoy ang klase ng impact ng mutations sa efficacy ng COVID-19 vaccines.
Kailangan pa aniya ng karagdagang pag-aaral para maunawaan ang clinical severity ng variant kumpara sa naunang variants ng COVID-19.
Kaugnay ng pagkaka-detect ng presensiya ng bagong variant ng COVID, nagpatupad na rin ng travel ban ang United Kingdom sa anim na African countries na inilagay sa red list kabilang ang South Africa, Namibia, Lesotho, Botswana, Eswatini at Zimbabwe simula ngayong araw.
Ayon kay UK’s Health Minister Sajid Javid, ang mga UK, British at Irish nationals na magmumula sa mga nasabing bansa ay kailangang sumailalim sa 10 araw na hotel quarantine.
Maging ang Israel ay ipinagbawal na rin ang pagpasok ng mga foreigners na magmumula sa southern Africa.
Ngayong araw, magsasagawa ng briefing ang South African officials sa WHO hinggil sa bagong COVID-19 variant na kasalukuyang itinuturing na variant under monitoring.