-- Advertisements --

Iginiit ng Vietnam na mariin nilang kinokondena ang human trafficking matapos ihayag ng British police na pawang mga Vietnamese ang 39 bangkay na natuklasan sa isang lorry.

Sa pahayag ng Vietnamese ministry of foreign affairs, nanawagan ang mga ito sa mga bansa sa buong mundo na palakasin pa ang kooperasyon upang masugpo ang nasabing krimen.

Tinawag din ni ministry spokesperson Le Thi Thu Hang ang naturang insidente bilang isang “serious humanitarian tragedy.”

“Vietnam calls upon countries in the region and around the world to step up cooperation in combating human trafficking in order to prevent the recurrence of such tragedy,” anang opisyal.

“We hope that the British side would soon complete the investigation to bring those responsible for this tragedy to justice,” dagdag nito.

Nagtutulungan na sa kasalukuyan ang Vietnamese at British authorities upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga bangkay, na natagpuan sa Essex noong Oktubre 23.

Una na ring nadakip ng mga kinauukulan ang ilang mga indibidwal na may koneksyon sa insidente.

Noong nakaraang linggo nang humarap sa korte ang driver ng trailer truck na si Maurice Robinson, 25, dahil sa manslaughter charges.

Ayon sa mga mang-uusig, bahagi umano si Robinson ng isang “global ring” ng mga people smugglers.

Hinahanap din ng pulisya ang dalawang magkapatid sa Northern Ireland na sina Ronan, 40, at Christopher Hughes, 34, na wanted dahil sa reklamong manslaughter at people trafficking.

Dinampot naman sa Dublin ang 22-anyos na si Eamonn Harrison upang harapin ang reklamong manslaughter sa United Kingdom.

Habang sa Vietnam, dalawa rin ang dinakip dahil sa people smuggling. (BBC)