Hinikayat ni British Health Secretary Sajid Javid ang kanilang mamamayan na magpabakuna na ng booster shot kasabay ng pagkumpirma ngayong araw na sumipa na sa 22 ang na-detect na kaso ng Omicron variant sa kanilang bansa.
Naniniwala ang British government na makakatulong ang booster campaign laban sa severe disease dulot ng Omicron virus kahit pa lumalabas na ang mga COVID-19 vaccine ay hindi kasing epektibo laban sa naunang strain ng coronavirus.
Umaasa ang health chief na magkaroon pa ng karagdagang imporamsyon hinggil sa Omicron sa loob ng dalawang linggo habang nagpapatuloy ang ginagawang pag-aaral ng mga siyentista kung ano ang impact ng bagong variant pagdating sa transmissibility at pagkakaroon ng seryosong sakit.
Sa ngayon, ayon kay Javid na ang bilang ng mga kaso ay posibleng madagdagan pa.
Plano ng UK na simulan ang pagbibigay ng booster shots sa lahat ng kanilang adult population sa katapusan ng Enero sa susunod na taon.
Sa datos mula sa UK government, nasa 81% na ng kanilang population edad 12 pataas ang fully vaccinated habang aabot naman sa 32% ang nakatanggap na ng booster shots o third dose.