Sinimulan na ang pagpupulong sa pagitan nina US President Donald Trump kay United Kingdom Prime Minister May upang talakayin ang usapin patungkol sa seguridad at kalakalan.
Sa panimula ng nasabing meeting, inihayag kaagad ni May ang kanyang pagnanais na magkaroon ng bilateral trade agreement kasama ang Estados Unidos.
Labis naman ang paghanga ni Trump sa tatag na ipinapakita ni May sa kabila ng tatlong beses na bigong maging tagumpay ang kanyang isinusulong na Brexit deal.
Aniya, pinahahalagahan nito ang magandang pagsasama ng dalawang bansa. Tila pabiro namang hinikayat ng Presidente ng Amerika na huwag nang ituloy ni May ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.
Nakatakdang bumaba sa kanyang pwesto bilang prime minister ng UK si May sa darating na Hunyo 7, araw ng Biyernes.
Una rito ilang beses nang pinuna ni Trump ang Bexit deal ni May at patuloy ang papuri nito kay Boris Johnson na ngayon ay nangunguna sa listahan na posibleng pumalit sa posisyon ni May.
Samantala, all set na ang mga grupong magpoprotesta laban sa presidente ng Amerika. Inaasahan na magtitipon-tipon ang mga ito sa central London bandang alas-onse ng umaga sa United Kingdom. Magmamartsa ang grupo papuntang Downing Street kung saan nakatakdang magkita sina Trump at May.
Nangako naman ang grupong “Together Against Trump” na susundan nila ito kahit saan man siya magpunta upang ipamukha umano kay Trump na kahit kailan ay hindi ito magiging welcome sa kanilang bansa.