Matapos ang 6 na linggong election campaign, opisyal ng nagbukas ang snap general election sa buong United Kingdom ngayong araw, Hulyo 4.
Nagsimula ang botohan kaninang 7am, oras sa Britain at magsasara mamayang 10pm kung saan agad na sisimulan ang pagbibilang sa votes.
Nasa 46.5 milyong Briton ang kwalipikadong bumoto para sa halalan ngayong taon sa 40,000 polling stations sa England, Scotland, Wales at Northern Ireland.
Kabilang sa mga pangunahing contenders sa UK elections ay sina incumbent PM Rishi Sunak, opposition Labour leader Keir Starmer, British politician/broadcaster na si Nigel Farage, Scottish First Minister John Swinney, dating UK Member of Parliament na si Ed Davey at Green Party of England and Wales co-leader Carla Denyer.
Ang Conservative Party leader na si PM Rishi Sunak kasama ang kaniyang asawa na si Akshata Murty ay isa sa mga early voters. Bumoto ito sa Kirby Sigston Village Hall sa kaniyang Richmond and Northallerton constituency.
Habang ang mahigpit na karibal ni Sunak na si Labour Party leader Keir Starmer ay bumoto sa kaniyang local polling station sa North London kasama ang kaniyang maybahay na si Victoria.
Si Scottish First Minister John Swinney naman ay nakaboto na rin sa Burrelton Village Hall sa Burrelton village sa Blairgowrie.
Samantala ang iba pang heads ng major parties ay inaasahang boboto sa kani-kanilang local polling stations ngayong araw.
Base sa ilang surveys, tinatayang mananalo ang Labour Party at mauungusan pa ang nakuhang 418 seats ng partido ni dating Labour leader Tony Blair noong 1997 na nagwakas sa 18 taong pamamaygapag ng Conservative party.