MANILA – Binigyang diin ng ilang health experts na maaga pa para sabihing may epekto sa efficacy o pagiging epektibo ng mga developed nang COVID-19 vaccines ang napaulat na bagong variant ng virus nito na SARS-CoV-2 sa United Kingdom.
“Wala pa tayong alam sa ngayon if this affects it, but pinag-aaralan na. Based on number of mutations, most likely hindi naman,” ayon kay Dr. Edsel Salvana, infectious diseases expert at miyembro ng Department of Health Technical Advisory Group (DOH- TAG) sa isang media forum.
“Hindi pa natin masasabi right there and then na hindi na epektibo ang vaccine. Hindi ganon ang pag-interpret,” ayon naman kay Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases president Dr. Marissa Alejandria.
Paliwanag ng mga eksperto, malaki ang papel ng surveillance o pagbabantay para matiyak na epektibo pa rina ang mga ginagawang bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kasi kay Dr. Salvana, ito ang magiging batayan ng mga siyentipiko at pamahalaan para mabago pa ang development ng mga bakuna.
“If we have surveillance in place… dapat nakabantay tayo, oras na na-detect natin na di na ganon kaganda yung vaccine, mate-tweak natin yung vaccine formulation para ma-retain natin yung same kind of activity.”
“Parang yung flu virus na every year kailangan bago ang vaccine, paano nalalaman yung ilalagay sa vaccines? Through surveillance. Nagsa-sample ng mga specimen from those who develop flu and kino-contribute globally and then nagpo-produce ng vaccine based on dominant strains on that year,” dagdag ni Dr. Alejandria.
Bukod sa pagbabantay, mahalaga din umano na mapanatiling kontrolado ang pagkalat ng sakit. Pati na ang pagsunod sa minimum health standards, na paghuhugas ng kamay, pagsuot ng protective equipment kapag lalabas ng bahay, at physical distancing.
Aminado si Dr. Anna Ong-Lim, pediatric infectious diseases expert at miyembro ng DOH- TAG, na maaari rin mangyari ang mutation o pagbabago ng anyo ng virus sa Pilipinas.
“Hindi natin kailangan mag-intay ng importation, dahil pwedeng dahil kumakalat din ang sakit sa atin, mayroon na tayong sariling variant. Kailangain pairalin ang minimum health standards para makontrol ang pasibol ng mga bagong variant na maaaring mas maging matindi ang epekto at pagkalat.”
“It is really very important to control and suppress the transmission, otherwise we will see more of this virus mutations and it would be more difficult if these mutations are very important in terms of increasing transmission, in effectivity, or even the severity of the illness,” ani Dr. Socorro Escalante, Philippine representative sa World Health Organization.
Sa huling tala ng WHO regional office Europe, walong bansa na sa kontinente ang nakapag-report ng mga kaso ng COVID-19 na may bagong variant mula United Kingdom.
Ilang bansa na rin ang binabantayan dahil sinasabing ibang variant pa ng SARS-CoV-2 ang natukoy sa kanila, kumpara sa nadiskubre sa Britanya.