Nagbabala ang grupo ng mga siyentipiko sa Belgium na posibleng mangibabaw na ang UK variant ng COVID-19 sa kanilang bansa sa pagtatapos ng Pebrero.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng virology lab ng KU Leuven university, natuklasan nila na ang British variant ay 65% mas nakahahawa at mabilis din ngayong kumakalat sa bansang may populasyon na 11-milyon.
“It is already plainly clear that the variant will become the dominant strain in a very short time-span, being projected to reach 90% of all newly diagnosed infections before the end of February,” saad sa report.
Nakababahala rin daw ang naturang bilang sapagkat maaring tumalon ang reproduction rate, na nagsasabi kung ilan ang maaring mahawa ng isang taong may COVID-19, sa 1.0 mula sa 1.65 ngayon.
Sinabi naman ni Emmanuel Andre, isa sa mga virologists na nanguna sa pag-aaral, nagsimula na raw ang third wave ng infection sa kanilang bansa, ngunit may sapat pa raw na panahon upang maiwasan ang isa na namang lockdown.
Bagama’t hindi isinailalim ang Belgium sa mahigpit na lockdown, nananatili namang sarado ang mga bar, cafe, at restaurant at mandatory ang work-form-home scheme.
Ipinagbabawal din muna ang mga residente na magbakasyon sa labas ng bansa hanggang Marso 1 upang limitahan ang pagkalat ng mas nakahahawang coronavirus variants. (Reuters)