-- Advertisements --

Kinumpirma ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na kontrolado na ngayon ng Ukrainian forces ang 74 na Russian settlements sa Kursk region bilang resulta ng kanilang inilunsad na cross-border operation.

Sa evening address to the nation ng lider ng Ukraine, sinabi niyang patuloy ang pag-abanse ng kanilang pwersa sa Kursk region at pagkuha sa mga Russian prisoner na maaari aniyang ipalit sa mga binihag na Ukrainian fighters na tinawag bilang pagpapalawig ng ‘exchange fund’.

Sa inilabas naman na pahayag ng Russian defense ministry, sinabi nitong napigilan ng kanilang army units na makausad pa ang Ukrainian armoured mobile groups sa ibang lugar sa Kursk region.

Samantala, inihayag naman ni Mykhailo Podolyak, adviser ni Zelensky na ang ginawang paglusob ng Ukraine ay para i-pressure ang Russia na makilahok sa peace talks dahil hindi aniya gumagana ang simpleng mga panawagan sa Russia.

Nilinaw naman ni Ukrainian Foreign Ministry spokesperson Heorhii Tykhyi na hindi sila interesado na kubkubin ang teritoryo ng Russia.

Aniya, layunin ng kanilang inilunsad na cross-border operation ay para protektahan ang buhay ng kanilang mamamayan mula sa long-range strikes na nagmumula sa Kursk region.

Nasa mahigit 2,000 strikes na aniya ang inilunsad ng Russia mula sa naturang rehiyon sa mga nakalipas na buwan gamit ang anti-aircraft missiles, artillery, mortars, drones, 255 glide bombs at mahigit 100 missiles.