Makikipag-pulong ang Ukraine sa mga kaalyado nito kaugnay sa pag-develop ng bagong air defense systems ayon kay President Volodymyr Zelensky kasunod ng pag-atake ng Russia gamit ang experimental ballistic missiles.
Sa kaniyang daily address, sinabi ni Zelensky na nakikipag-pulong na si Ukraine Defense Minister Rustem Umerov sa kanilang partners kaugnay sa bagong air defense systems na parehong uri ng sistema na kayang mag-protekta sa mga buhay mula sa panibagong mga banta.
Iginiit din ni Zelensky na sa oras na sinimulan ng isang indibidwal na gamitin ang ibang bansa hindi lamang para maghasik ng takot kundi para sa testing ng kanilang bagong missiles nang may terror, maituturing aniya itong international crime.
Pinasalamatan naman ni Zelensky ang mga kaalyado niya na tumugon laban sa panibagong pag-atake ng Russia.
Ginawa ni Zelensky ang pahayag matapos magpakawala ang Russia ng bagong Oreshnik missile nitong Huwebes sa Dnipro region sa Ukraine.
Samantala, nauna naman ng sinabi ni Russian President Vladimir Putin na ipagpapatuloy ng Russia ang pagsasagawa ng testing sa bagong missile na hindi aniya kayang harangin ng air defense system.