Nagbabala ang Prime Minister ng Ukraine na posibleng humantong sa World War 3 sakaling matalo ang Ukraine sa giyera laban sa Russia sa gitna ng matagal ng nakabinbing botohan sa foreign aid bill ng US.
Ayon kay Ukraine PM Denys Shmyhal, kailangan nila ang naturang security assistance mula sa US dahil kung hindi nila poprotektahan ang kanilang bansa ito ay babagsak at magreresulta ito sa pagkasira ng seguridad ng global system kung saan magkakaroon ng mas maraming kaguluhan, giyera at maaaring humantong sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na naglabas ng ganitong nakakabahalang babala ang Ukraine kaugnay sa posibleng consequences ng posibleng pagkatalo nila sa giyera.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Ukraine President Volodomyr Zelensky na kapag nanalo sa giyera ang Russia, posibleng sunod na salakayin nito ang Poland na maaari umanong magresulta sa WW3.
Samantala, positibo naman ang Ukraine PM na ipapasa ng US Congress ang $61bn (£49bn) foreign aid bill para sa Ukraine.
Nakatakda kasing pagbotohan na ng US House of Representatives ang naturang aid package sa araw ng Sabado.
Kabilang sa naturang proposal ang pagpopondo para sa Israel gayundin sa Indo-Pacific.