Nagdeploy na ang Ukraine ng mga US-made F-16 fighter jets matapos matanggap ng naturang bansa ang mga unang donasyong fighter plane.
Ayon kay President Volodymyr Zelensky, sinimulan na ng mga Ukrainian pilot ang pagpapalipad ng mga naturang fighter plane at umaasang magbibigay bentahe kaagad ang mga ito sa patuloy na pakikipaglaban ng naturang bansa sa Russia.
Ipinagmalaki rin ng Ukrainian president ang tuluyang pagdating ng mga F-16 sa naturang bansa, kasunod ng matagal na panahon na pag-lobby sa mga kaalyadong bansa para rito.
Ayon kay Zelensky, ipinagmamalaki rin niya ang mga piloto ng Ukraine na silang nagpakadalubhasa para tuluyan nang magamit ang mga naturang aircraft para sa Ukraine.
Malugod namang tinanggap ni Ukrainian top commander Oleksandr Syrskyi ang pagdating ng mga F-16 na tiyak umanong makakapag-salba sa buhay ng mga sundalo.
Ayon kay Syrskyi, ang pagkakaroon ng Ukraine ng mga F-16 fighter jet ay nangangahulugan ng mas maraming mga gamit-pandigma, detachment, at mga aircraft ng Russia na ginamit sa pag-atake sa Ukraine ang magagawang sirain o pasabugin.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas ang Ukrainian president kung ilang mga F-16 fighter jets ang natanggap nito.