-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Ukraine ang naging akusasyon ng Russia na nagsagawa ito ng air strike sa fuel depot sa lungsod ng Belgorod sa Russia.

Ayon kay Security Council Secretary Oleksiy Danilov, walang katotohanan ang naturang akusasyon ng Russia batay sa mga impormasyong kanilang nakalap.

Inamin niya na kasalukuyang nagsasagawa ng defensive operation ang Ukraine laban sa Russia sa Ukraine territory ngunit hindi ito nangangahulugan na sila na ang responsable sa bawat sakuna na nangayayari sa teritoryo ng Russia.

Magugunita na una nang sinabi ng defense ministry ng Russia na mayroong dalawang Ukrainian helicopters ang tumama sa pasilidad sa Belgorod, mga 35 km (22 milya) mula sa border ng Ukraine, matapos makapasok sa Russia sa napakababang altitude bandang 5 a.m. oras ng Moscow (0200 GMT) na nagresulta ng malaking sunog dahilan kung bakit napilitang lumikas ang ilang mga tao dito .

Ayon kay Kremlin spokesman Dmitry Peskov nasabihan na si Russian President Vladimir Putin ukol sa nasabing insidente at sinabing ang naging kilos na ito ng Ukraine ay maaaring makaapekto sa peace talks na isinasagawa ngayon sa pagitan ng dalawang bansa.

Wala namang naging pahayag ang White House hanggang ngayon ukol dito.