-- Advertisements --

Tatlong araw matapos ang inilunsad na pag-atake ng mga tropang sundalo ng Ukraine sa cross border ng Kursk region sa Russia, binanatan ni Ukraine President Volodymyr Zelensky ang Russia na dapat maramdaman nito ang consequences ng kanilang invasion sa Kyiv.

Sa evening address ng Ukraine President nitong Huwebes, sinabi niya na ang Russia ang nagdala ng digmaan sa kanilang lupain at dapat aniyang maramdaman nila ang kanilang ginawa.

Saad pa ni Zelensky na alam ng Ukrainians kung paano makakamit ang kanilang mga layunin at hindi nila piniling maabot ang mga ito sa giyera.

Hindi naman direktang tinukoy dito ni Zelensky ang ginagawa ngayong opensiba ng kanilang pwersa sa cross border ng Russia.

Una ng iniulat ng Russia na aabot sa 1,000 mga tropa ng Ukraine na may kasamang mga tangke at armoured vehicles ang pumasok sa kanilang cross border noong umaga ng Martes na maituturing na isa sa pinakamalaking pag-atake na inilunsad sa lupain ng Russia simula ng sumiklab ang giyera sa pagitan nila ng Ukraine noong Pebrero 24, 2022. Una na ring inakusahan ni Russian President Vladimir Putin ang Ukraine ng major provocation.

Samantala, sa isang statement, iniulat ng Russian defense ministry na nitong umaga ng Biyernes naharang nila at nawasak ang 75 unmanned combat aerial vehicle missiles na pinakawalan sa mga rehiyon kabilang na sa Kursk.

Patuloy din ang pagpapalabas ng warning sa mga residente kaugnay sa missile strikes sa buong magdamag hanggang nitong umaga ng Biyernes.

Sa isang inilabas na video call naman sa pagitan nina Putin at Kursk regional governor Alexei Smirnov, iniulat nito sa Russian president na inililikas na ang kanilang mga residente sa pamamagitan ng mga bus at tren patungo sa ibang mga rehiyon ng Russia na nag-alok na kupkupin ang mga ito, bagamat naantala ang kanilang ginagawang evacuation efforts dahil sa pag-atake ng pwersa ng Ukraine.