Hinimok ni Ukraine President Volodomyr Zelensky ang China na dumalo sa peace talks sa Switzerland sa Hunyo.
Ito ay matapos na tiyakin umano sa kaniya ni Chinese President Xi Jinping sa isang phone call na suportado ng Beijing ang territorial integrity ng Ukraine bagamat hindi naman binanggit ni Zelensky kung kailan nangyari ang naturang pag-uusap sa pagitan nila ng Chinese President.
Huli kasing nagkausap ang 2 lider sa pamamagitan ng telepono noong Abril pa ng nakalipas na taon.
Mula din ng salakayin ng pwersa ng Russia ang Ukraine noong Pebrero 2022, hindi kailanman kinondena ng China ang Russia sa halip naging neutral ito sa nagaganap na conflict.
Inihayag din ni Zelensky na nais niyang makatrabaho ang mga bansa tulad ng China na mayroong impluwensiya sa Russia sa gitna ng kinakaharap ng kanilang bansa na panibagong opensiba ng Russia.
Aniya, ang pagsama sa global players tulad ng China ay mahalaga at kapag mas marami aniyang bansa ang papanig sa kanila, mapipilitan ang Russia na kumilos.
Sa ngayon wala pang commitment ang China kung magpapadala ito ng kinatawan sa isasagawang peace process para sa Ukraine subalit sinabi ni Chinese Ambasador to Switzerland Wang Shihting noong Marso na ikinokonsidera ng kanilang gobyerno na dumalo sa naturang peace talks.