Muling matapang na humarap si Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa US Congress upang umapela pa ng karagdagang tulong upang mapigilan na ang lumalala pang digmaan na nagaganap sa Ukraine.
Sa kanyang talumpati via virtual sa pambihirang joint session ng US Congress, direktang umapela si Zelensky na hindi lamang sa mga mambabatas kundi pati na rin kay US President Joe Biden.
Kasabay ng kanyang muling panawagan kabilang na ang pagpapatupad ng no-fly zone sa papawirin ng Ukraine.
Ibinahagi rin ng Ukrainian president ang mga graphic video na nagpapakita ng mga kalunus-lunos na kaganapan doon tulad ng pagsabog ng mga gusali at mga batang wala ng buhay dahil pa rin sa pananalakay ng Russia sa kanilang bansa.
Bukod dito ay nanawagan din si Zelensky sa Estados Unidos ng higit pang magsagawa ng mga hakbang at dapat aniya na patawan pa ng US ng kaparusahan ang lahat ng Russian politicians na nananatili pa sa Amerika at hindi pa rin pinuputol ang kanilang ugnayan sa mga indibidwal na salungat sa Ukraine.
Iminungkahi rin ng presidente ang paglikha ng isang asosasyon ng mga responsableng bansa na may lakas at kamalayan upang agad na ihinto ang naturang kaguluhan sa kanilang bansa.
Sa loob ng 24 oras ay sinabi rin ni Zelensky na ibigay na hangga’t maaari ang lahat ng necessary assistance kabilang na ang pamamahagi ng mga armas, pagpapataw ng kaparusahan, humanitarian support, political support, tulong pinansyal at iba pa kung kinakailangan para lamang mapanatili ang kapayapaan at agad na mailigtas ang buhay ng mga sibilyan at buong mundo.
“To create a no-fly zone over Ukraine to save people, is this too much to ask?” ani Zelensky. “You know how much depends on the battlefield, on the ability to use aircraft, powerful strong aviation to protect our people, our freedom, our land, aircraft that can help Ukraine, help Europe. You know they exist and you have them but they are on Earth not in the Ukrainian sky.”
Samantala, sa pagtatapos naman ng kanyang talumpati ay sinabi ni Ukraine President Zelensky na ang pagiging pinuno ng mundo ay pagiging pinuno ng kapayapaan na nangangahulugan ng pakikipaglaban para sa buhay ng taumbayan.