Nagpaabot ng isang malungkot na mensahe si Ukrainian President Volodymyr Zelensky na nagtagal ng 15 minutos kasabay ng pag-marka ng unang anibersaryo ngayong araw, Pebero 24 ng full-scale invasion ng Russia sa kanilang bansa.
Sa isang video na inilabas ni Zelensky na may pamagat na “the year of invincibility”, inalala ng Pangulo ng Ukraine na sa mismong araw na ito isang taon ang nakakalipas ay nagbigay ito ng isang maikling pahayag na nagtagal lamang ng 67 segundo matapos sumiklab ang Russian invasion.
Inilarawan din ni Zelensky ang araw na ito bilang longest day ng kanilang buhay at pinakamahirap na araw sa kasaysayan.
Ipinagmalaki din nito na naging isang big army ang Ukraine.
Inilarawan pa ni Zelensky ang 2022 bilang isang taon ng katatagan, katapangan, pagdurusa at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Ukraine.
Idineklara din ni Zelensky na hindi sila natalo at kanilang gagawin ang lahat para maipanalo ang kanilang laban kontra sa Russian forces ngayong taon.
Ayon sa Western military officials, tinatayang nasa mahigit 100,000 ang napatay o nasugatan sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na itinuturing na largest conflict sa Europe simula ng World War Two. Nasa libu-libong mga sibilyan naman ang namatay habang milyun-milyong katao ang nilisan ang Ukraine dahil sa banta dulot ng giyera.