Isang makabagbag damdamin ang ibinahagi ni Ukraine President Volodymyr Zelenskyy sa kanyang naging talumpati sa European Parliament.
Sa kanyang mensahe ay ipinahayag ni Zelenskyy ang kanyang katapangan at katatagan na sumasalamin din sa pakikibaka ng Ukraine ngayon sa kasagsagan ng mas umiinit pang tensyon nito laban sa Russia.
Sinabi ng pangulo ng Ukraine na walang sinuman ang makakasira sa Ukraine na nakikipaglaban para sa kanilang bayan at kalayaan.
Ani Zelenskyy, isa sa mga dahilan ng kanilang pakikipagbaka sa gitna ng krisis na kinakaharap ng kanilang bansa ay upang maging isang equal na miyembro ng Europa.
Sa pamamagitan din ng talumpati ay nanawagan si Zelenskyy sa European Union na patunayan aniya ng mga ito na kasama nila ito sa kanilang pakikipaglaban at hindi sila nito pababayaan.
Ang naturang talumpati ni Ukraine President Volodymyr Zelenskyy ay sinundan naman ng standing ovation at malakas na palakpakan mula sa mga tagapakinig nito, na ang karamihan ay nakasuot ng t-shirt na may nakalimbag na #standwithUkraine dala ang bandera ng Ukraine, habang ang iba naman ay nakasuot ng blue-and-yellow na scarf o ribbon.