Ipinahiwatig ni French President Emmanuel Macron na posibleng mapagkasunduan ang ceasefire sa pagitan ng Ukraine at Russia sa mga susunod na linggo.
Ito ay kasunod ng pakikipag-usap ni Macron kay US President Donald Trump sa White House at pagtutol ng Amerika sa resolution na komokondena sa invasion ng Russia sa Ukraine na nagresulta sa giyera na nasa ikatlong taon na.
Sa pakikipag-usap ng French President kay Trump, binigyang diin nito na hindi dapat isuko ang Ukraine sa anumang peace deal sa Russia at dapat ay suportahan ang Ukraine sa pamamagitan ng security guarantees.
Nakipag-usap na rin aniya siya sa 30 iba pang European leaders at mga kaalyado at marami umano sa kanila ang handang maging bahagi ng security guarantees para sa Ukraine.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya siya kay British Prime Minister Keir Starmer kaugnay sa panukala na pagpapadala ng mga tropa sa rehiyon.
Sa panig naman ni Trump, nais niyang magkaroon na ng ceasefire sa pagitan ng Ukraine at Russia sa lalong madaling panahon at iginiit na ang magiging gastos at pasanin sa pagsusulong ng kapayapaan ay dapat na bayaran ng mga bansa sa Europa at hindi lamang ng Amerika.