Hindi rin nakaligtas mula sa mga pag-atake ng Russia ang isang civilian airport sa Ukraine.
Ito ay matapos na sirain ng barrage ng mga missile ng Russia ang naturang paliparan sa Vinnytsia sa central Ukraine.
Ipinahayag ito ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa kanyang social media matapos na makarating sa kanya ang naturang balita.
Lubhang nawasak aniya ang nasabing paliparan matapos na tamaan ito ng walong rocket mula sa missile strike na ginawa ng Russo sa naturang lungsod na kailanman ay hindi nagbigay ng anumang banta laban sa Russia.
Sa kanyang pahayag ay sinamantala na rin ni Zelensky ang pagkakataong muling manawagan para sa kanyang kahilingan na ipatupad ng Western powers ang “no-fly zone sa Ukraine upang maiwasan ang mas marami pang pag-atake ng Russia.
Sinabi rin nito sa mga Western leaders na kung hindi man daw sila bibigyan nito ng kahit man lang eroplano upang maprotektahan ang kanilang sarili ay nangangahulugan lamang aniya ito na nais nitong unti-unting mapatay ang mamamayan ng Ukraine.