Labis ang pag-aalala ng Ukrainian community na nasa Pilipinas sa kanilang pamilya at kamag-anak na nananatili sa Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na pag-atake ng Russian invaders sa kanilang bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa apat na Ukrainian nationals na miyembro ng Ukrainian community na nakabase sa Pilipinas, kanilang ibinahagi ang kalagayan ng kanilang pamilya at kamag-anak na naipit sa kaguluhan sa Ukraine.
Karamihan sa kanila ay halos isang dekada na ring naninirahan sa Pilipinas.
Ayon kay Max Peresypkin, Ukrainian national at walong taon na rito sa bansa na naninirahan sa El Nido, Palawan, tinatayang 100 Ukrainian nationals ang nasa Pilipinas.
Ibinahagi niya na kasama niya sa Pilipinas ang kaniyang mga magulang subalit may mga kaanak din siya na kasalukuyang nasa Odessa at Kyiv.
Ibinahagi naman ni Elina Bykova na isa ring Ukrainian national at nakapag-asawa ng Filipino at walong taon nang nasa bansa, na ang kaniyang pamilya ay nakatira malapit sa capital city ng Kyiv na nagiging sentro ngayon ng pag-atake ng Russian forces.
Si Dmitry Popov na bagama’t isang American citizen ay nagmula sa Kharkiv, Ukraine na nakapang-asawa ng Pinay at tatlong taon nang naninirahan sa bansa.
Emosyonal ding ikinuwento ang pag-aalala sa pamilyang naiwan sa Ukraine ni Katyrena na isang Ukrainian national din na walong taon ng naninirahan sa Pilipinas kasama ang kaniyang asawang Indian.
Hindi naman na ikinagulat ni Popov na tatlong taon ng nanirahan dito sa Pilipinas ang pagsuporta ng karamihan sa international community sa resolution ng United Nations (UN) sa pagkondena sa naging aksyon ng Russia.
Pinuri rin niya ang pagiging epektibong leader ni President Zelensky sa kaniyang pamumuno sa Ukraine at sa kanilang mamamayan.
Samantala, nang tanungin ang Ukrainian national din na si Max Peresypkin kung may balak silang bumalik sa kanilang bansa, aniya marami ang gustong bumalik subalit dahil sa pahirapan na ang pagbiyahe at delikado dahil sa nagpapatuloy na pag-atake ng Russia, naniniwala ito na mas kailangan sila ngayon para ipaalam sa buong mundo ang tamang impormasyon sa kung ano ang tunay na nangyayari ngayon sa Ukraine.
Umapela naman si Elina Bykova sa mga nais na maging International legion o volunteers na nais sumama sa pagdepensa sa Ukraine laban sa Russian forces
Samantala, una nang kinumpirma ng UN human rights office na pumapalo na sa 331 ang bilang ng mga nasawing inosenteng mamamayan habang 675 katao ang naitalang mga sugatan sa Ukraine mula ng lusubin ng Russia ang Ukraine noong Pebrero 24.
Subalit inihayag ng UN na posibleng mas mataas pa rito ang tunay na bilang.
Ayon sa UN, nasa 19 na bata mula sa 331 ang namatay.
Karamihan sa mga biktima ay namatay dahil sa pinakawalang explosive weapons gaya ng heavy artillery, multi-launch rocket systems, missiles at airstrikes ng Russian forces.