-- Advertisements --
DFA1

Humingi ng paumanhin ang isang diplomat mula Ukraine kaugnay sa sinasabing ‘misunderstanding’ sa isinagawang press conference na nagdulot ng pagpuna mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ito ay may kaugnayan sa balita na may ‘response’ na ang Malakanyang sa request ng Ukraine kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Humingi ng paumanhin si Ukrainian Embassy in Malaysia Charge d’Affaires Denys Mykhailiuk matapos sabihin ni DFA Undersecretary for Multilateral Affairs and International Economic Relations Carlos Sorreta na ang ginawa ng opisyal ay hindi magandang diplomatikong kasanayan na dapat gawin.

Sinabi niya na ikinalulungkot niya ang nangyari at muling inihayag nito ang pagpapahalaga ng Ukraine sa Pilipinas sa pagsuporta nito sa pamamagitan ng resolusyon ng United Nations General Assembly gayundin sa iba pang mga lugar.

Dagdag pa ni Mykhailiuk na hindi pa niya nakakausap si Sorreta ngunit nakipag-ugnayan na siya sa DFA.