Iginiit ni Education Sec. Leonor Briones na “exaggerated” at mali ang lumabas na report na nagsasabing 70,000 ng mga batang mag-aaaral sa Bicol region ay hindi marunong magbasa ng English at Filipino.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Sec. Briones na hindi nangangahulugang “no read, no write” o “illiterate” ang mga mag-aaral na sumailalim sa pag-aaral ng Bureau of Elementary Education.
Ayon kay Sec. Briones, ang mga sinasabing “non-readers” lalo mula Grade 1 at Grade 2 ay posibleng nakakabasa pero hindi nauunawaan ang binabasa.
Lomobo rin umano ang bilang dahil pinagsama ang mga “non-readers” sa English at Filipino.
Maituturing umanong insulto sa mga Bicolano ang report lalo may isang paaralan umano doon na mataas ang nakuhang rating.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Sec. Briones na magsisilbing leksyon sa DepEd ang inisyal na resulta ng Philippine Informal Reading Inventory study para mapagbuti pa ang literacy rate sa bansa.
Kabilang daw dito ang assessment sa curriculum at pagsasaayos ng mga teaching equipment at materials, gayundin ang pagsasanay pa ng mga guro.