Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang iimbestigahan kung sino ang nagkanlong kay Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog sa bansang Taiwan na naaresto nitong Miyerkules dahil sa paglabag sa immigration laws.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. John Bulalacao, lahat ng mga lumalabas na balita ay sisiyasatin ng PNP, gaya ng paggamit ng backdoor para makalabas ito ng bansa at ang pagkupkop umano sa kaniya ng isang triad.
Aniya, posibleng matagalan ang pag-deport kay Parojinog pabalik ng bansa dahil sa kinakaharap nitong kaso sa Taiwan.
Nakikipag-ugnayan na raw sa ngayon ang Manila Economic Cultural Office (MECO) sa Taiwan government kaugnay sa pagkakahuli kay Parojinog.
Nabatid na 10 buwang nagtago si Ardot matapos ang madugong raid sa mga tahanan ng mga Parojinog sa Ozamiz na nagresulta sa pagkakapatay kay Mayor Reynaldo Parojinog Sr. nang manlaban umano ito sa mga operatiba na nagsilbi ng search warrant.
Naglabas ng look-out bulletin ang DOJ laban kay parojinog na wala sa lugar nang maganap ang raid, kaugnay ng mga natagpuang baril sa kanyang tahanan.
Kinumpirma naman ni Bulalacao na matagal nang may umiiral na warrant of arrest kay Ardot at kapag naibalik na sya sa bansa ay ipaghaharap niya ang mga ito.