-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasisinungalingan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang kumakalat na balita sa social media na nagpalabas ang kanilang tanggapan ng babala sa posibleng pagtama ng 7.1 magnitude na lindol sa Metro Manila.

Lumabas ang ulat dahil sa sunod-sunod na pagtama ng malakas na lindol sa Luzon at Eastern Samar.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Phivolcs-10 Reg.Dir. Marcial Labininay na fake news ang lumabas na balita at hindi maaaring paniwalaan ng sambayanan.

Ayon kay Labininay, wala pang teknolohiya na maaring makahula sa lindol at sa lakas nito.

Ngunit, nagbabala si Labininay sa posibleng pagtama ng malakas na lindol sa Mindanao lalong-lalo na sa Cagayan de Oro matapos sa naranasang magnitude 6.1 sa Luzon at magnitude 6.5 naman sa Eastern Samar.

Subalit, sinabi nito na ang kahandaan ang siyang susi sa kaligtasan ng bawat mamamayan kung kaya’t mas mainam na palaging susunod sa mga abiso mula sa kanilang tanggapan.

Mas mainam rin umano na lalahok sa mga earthquake drill na isinasagawa ng Phivolcs kasama ang LGU’s sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.