KALIBO, Aklan—Umabot na sa 13 bayan sa lalawigan ng Aklan ang tinamaan ng African Swine Fever (ASF) virus.
Ayon kay Dra. Mabel Siñel ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) Aklan na nagdagdag sa listahan ang bayan ng Nabas at Altavas.
Sa kasalukuyan aniya ay patuloy ang culling sa mga baboy na tinamaan ng ASF virus at ang iba naman ay mismong ang may-ari na ang naglilibing ng mga nagkakasakit nilang baboy.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng Federation of Livestock, Hog and Poultry Association na nananatiling sapat ang supply ng karne ng baboy sa isla ng Boracay.
Ngunit, ayon kay Engr. Jun Agravante, presidente ng pederasyon na medyo may kamahalan na ang presyo nito dahil tatlong bayan lamang ang nagtatawid ng mga baboy sa Boracay.
Dagdag pa ni Engr. Agravante na malaki ang posibilidad na kapag kumunti pa ang supply ng baboy ay aabutin ang presyo sa P200 pesos per kilo ng live weight at ang karne naman sa pampublikong merkado ay aabot hanggang sa P300 pesos ang bawat kilo.
Nabatid na dahil sa pananalasa ng ASF virus sa probinsya ay isinailalim ng gobyerno probinsyal ang Aklan sa state of calamity kung saan, P10 milyon pesos ang nakuha mula sa quick response fund.
Sa nasabing halaga, P3 milyon pesos ang napunta sa OPVET para sa kanilang logistics at P7 milyon pesos ang nakatakdang pang ayuda sa mga apektadong hog raisers na ang prayoridad ay ang mga na-culled na dumaan sa OPVET.