LAOAG CITY – Nakarekobre ang mga awtoridad ng 45 sachet ng hinihinalang shabu sa gilid ng kalsada malapit sa Brgy. 22 sa bayan ng Sarrat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Mardy Ignacio, 28-anyos, walang asawa, isang street vendor, residente ng Brgy. Palpalicong sa lungsod ng Batac City, at tubong Pampanga, nakita niya ang mga sachet habang naglalakad mula Sto. Tomas papunta sa bayan ng Piddig.
Dagdag pa niya, napansin niya ang isang nakabulatlat na papel at dito niya natuklasan ang mga sachet na nakakalat sa gilid ng kalsada.
Plano sana niyang humingi ng contact number ng mga awtoridad mula sa isang kainan, ngunit dumaan ang isang patrol mula Piddig kaya agad niya itong inireport.
Samantala, patuloy ang masusing imbestigasyon ng Philippine National Police sa bayan ng Sarrat na pinangungunahan ni P/Cpt. Kester Arellano kaugnay ng nasabing insidente.
Kasalukuyan, ang mga sachet na narekobre na pinaniniwalaang shabu ay isusumite sa Crime Laboratory Office ng Ilocos Norte Police Provincial Office upang matukoy kung ang laman nito ay tunay na shabu.