-- Advertisements --

LAOAG CITY – Umabot sa 10 milyong piso ang halaga ng pinsala sa kabundukan sa ilang bayan sa lalawigan dito sa Ilocos Norte dahil sa patuloy na nangyayaring grass fire at forest fire.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Mr. Victor Dabalos, ang pinuno ng Provincial Environment and Natural Resources Office, agad na bumuo si Gov. Matthew Marcos Manotoc ng Ilocos Norte Fire Fighting Group, na binubuo ng mga miyembro ng Department of Environment and Natural Resources, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Marines at Philippine Airforce.

Naitala aniya ang pinakamalaki at pinakamalawak na sunog sa bahagi ng Solsona, Piddig, Carasi, Vintar at Pasuquin.

Aniya, mahigit limang libong kabundukan ang naapektuhan ng grass fire at forest fire sa lalawigan.

Malaki aniya ang hamon sa kanila na protektahan ang mga plantasyon sa Greening Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte dahil sa patuloy na sunog.

Dagdag pa niya, ang pinakamalaking hamon sa mga miyembro ng Ilocos Norte Fire Fighting Group ay ang pag-apula ng apoy kaya kinailangan nilang gumamit ng helicopter.

Una rito, sinabi ni Fire Superintendent Roxanne Parado, ang Provincial Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection dito sa Ilocos Norte na mayroong kabuuang mahigit 70 insidente ng sunog mula noong pumasok ang taong 2024 kung saan 43 insidente ng sunog ang naitala noong buwan ng Marso lamang na itinuturing na Fire Prevention Month.