CENTRAL MINDANAO – Pinaigting pa ng mga otoridad ang pagtugis sa mga suspek na brutal na pumatay sa magkapatid sa probinsya ng Cotabato.
Umaabot na sa P500,000 ang pabuyang ibibigay sa mga makakapagturo sa mga suspek na pumatay kina Crizzle Gwynn at Crizzule Luois Maguad na mga residente ng Purok San Isidro, Barangay Bagontapay, M’lang, Cotabato.
Naglaan na rin ng dagdag na P250,000 si M’lang Mayor Russel Abonado para sa ikakahuli ng mga suspek.
Matatandaan na unang nagbigay ng P200,000 na pabuya ang sangguniang bayan ng M’lang sa pangunguna ni Vice Mayor Joselito Piñol para sa reward money.
Nagdagdag din ng P50,000 na pabuya si Tulunan Cotabato Mayor Pip Limbungan.
Sa ngayon ay lahat ng anggulo ay sinisilip ng M’lang PNP sa pamumuno ni Lt. Col. Realan Mamon kaugnay sa brutal na pagpatay sa magkapatid.