-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nais na paimbestigahan ni Aklan second district Representative Teodorico Haresco ang “gimik” aniya ng mga kapulisan sa Malay, Aklan kung saan nagpapataw ang mga ito ng citation ticket kalakip ang multa na nagkakahalaga ng P2,500 sa mga turista na hindi nagsusuot ng facemask habang paligo pa lamang sa baybayin ng isla ng Boracay

Sinabi ng kongresista na mistulang piniperahan umano ang mga turista dahil sa ipinapatupad na Municipal Ordinance No. 453 o Wearing of Facemask ng lokal na gobyerno kung saan, modus ng mga ito na sitahin ang turista habang nakikita naman ng mga ito na maliligo sa dagat.

Aniya, nais niyang ipawalang bisa ang nasabing ordinansa ng LGU dahil parami nang parami ang mga bisita at ito na umano ang pagkakataon na makabawi sa industriya ng turismo.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo, itinanggi ni Police Lieutenant Colonel Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Police Station ang alegasyon ng kongresista dahil wala aniyang nakarating na reklamo sa kaniyang tanggapan.

Nagpapatupad lamang aniya sila ng batas at hindi napupunta sa kanilang bulsa ang bayad ng mga violators bagkus ay diretso ito sa municipal treasurer ng bayan na may opisina sa nasabing isla.

Ipinagtanggol rin nito ang kaniyang mga tauhan dahil walang sinuman sa kanila ang gumagawa ng naturang aktibidad.