-- Advertisements --

Patay ang isang hinihinalaang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa panibagong sagupaan nitong Martes ng umaga sa probinsiya ng Basilan.

Ayon kay Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesperson Col. Gerry Besana, dalawang insidente ng sagupaan ang naitala sa nasabing lalawigan.

Unang nakasagupa nitong alas-8:15 ng umaga ng mga tropa ng 18th Infantry Battalion ang nasa 10 ASG members sa ilalim ng grupo ni Furuji Indama sa may Brgy. Bohe Pahu, Ungkaya Pukan.

Sa nasabing bakbakan, patay ang isang terorista kung saan nakuha sa posisyon nito ang isang high-powered firearm.

Makalipas naman ang 15 minuto, nakaengkwentro ng mga tropa ng 3rd Scout Ranger Battalion ang nasa pitong armadong ASG members sa may Barangay Bohe Pahu.

Umigting ang limang minutong labanan pero walang naiulat na casualties sa hanay ng militar.

“We commit to sustain our campaign against terrorism that derails peace and development in the area of operations. We work hard to crumble terrorists and to address security threats by intensifying our offensives and by involving stakeholders and the people of Mindanao,” pahayag ni Lt. Gen. Arnel Dela Vega, commander ng WesMinCom.

Dagdag pa ni Dela Vega: “All these operational accomplishments we achieved because we had the support of our peace partners and, ultimately, the people of Mindanao. We will continue to protect the people with integrity, upholding their rights and interests, as their true servants.”