Iniimbestigahan na ng Cyber Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y cyberattack sa sistema o networks ng Philippine Navy at Philippine Army.
Ayon kay AFP Public Affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, nananatiling intact ang cyberspace ng military kasabay ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa umano’y data breach.
Sa kabila nito, tiniyak ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ginagawa nila ang kanilang makakaya para masigurong hindi magtatagumpay ang ganitong mga pangtatangka.
Ginawa ng AFP official ang naturang pahayag kasunod ng kumalat na post ng grupo na Philippine Exodus Society sa social media na nabura na, kung saan napasok umano nila ang sistema ng Philippine Army ilang araw matapos ang umano’y pag-atake nito sa sistema ng Philippine Navy.
Ayon naman kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, natukoy na nila ang grupong nasa likod ng iligal na pagtatangkang ma-access ang mga sistema ng PH military.
Sa ngayon, hindi pa aniya nila maibunyag ang detalye dito habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon subalit batid na aniya ang ginamit ng mga ito na IP address, kung nasaan sila at kung sinu-sino ang mga ito.
Tiniyak din ni Col. Dema-ala na walang nakompormisong mga dokumento o confidential data mula sa umano’y data breach.
Kaugnay nito, ipagpapatuloy ng PH Army ang pagpapalakas pa ng cyber defense capabilities sa pamamagitan ng PA Cyber Security Enhancement Program.
Naglunsad na rin ang Philippine Navy ng malalimang imbestigasyon sa data breach.