Inihain ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang Senate Resolution 923 kung saan inaatasan ang Senate Committee on National Defense and Security na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa hinihinalang foreign government-sponsored na cyberattacks sa mga ahensya ng pamahalaan.
Pinaniniwalaan kasi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang mga hackers ay nag-o-operate sa China.
Nito lamang Pebrero 3, inanunsyo ng DICT na pinasok ng mga hackers ang email systems at internal websites ng Philippine Coast Guard, Office of the Cabinet Secretary, Department of Justice, National Coast Watch System, House of Representatives at mismong DICT.
Iginiit ni Hontiveros na sa halip na pinagaaksayahan ng oras ang charter change ay mas bigyang-pansin ng gobyerno ang kanilang enerhiya sa pagpapalakas ng mga batas para sa pambansang seguridad.