Iniimbestigahan na ngayon ng National Privacy Commission (NPC) ang hinihinalang data leak sa mga car registrations sa ilalim ng Land Transportation Office.
Sa isang pahayag, sinabi ng NPC na kanila nang sinisiyasat ang mga data na available sa lisensya.info, na may “Motor Vehicle Authenticator” kung saan ipinapakita ang car make, plate at engine number, registration expiry date, maging ang pangalan ng nakarehistrong may-ari sa pamamagitan ng pag-encode ng motor vehicle file number.
Tampok din sa naturang website ang “license authenticator” sa kanilang homepage.
Itinanggi naman ng LTO na may koneksyon sila sa website.
Gayunman, sinabi ng privacy body na ini-report ng mga netizens na tama ang vehicle registration data na makikita sa naturang site, dahilan kaya tinitingnan nila ang anggulong may leak mula sa database ng LTO.
Sa pinakahuling datos mula sa LTO, nasa mahigit 12.7-milyon ang mga rehistradong sasakyan sa buong bansa.
Nakapagsumite naman aniya ng initial report ang LTO nitong Martes kaugnay sa napaulat na breach, pero tumanggi ang lupon na idetalye ang laman ng naturang ulat.