-- Advertisements --

Naglunsad na ng imbestigasyon ang Department of Tourism (DOT) kaugnay sa insidenteng may na-discriminate umanong batang may special needs sa isang resort sa Cebu.

Ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, hihingin rin nila ang panig ng Department of Justice upang gumawa ng angkop na hakbang hinggil sa isyu.

“The DOT has already launched an investigation into the matter, and after due notice and hearing, will mete the proper administrative sanctions to the resort,” saad ni Puyat.

“The DOT will also coordinate with the Department of Justice (DOJ) for its proper action under the Disability Law, under which the aggrieved party may also file the complaint,” dagdag nito.

Nag-ugat ang kontrobersya sa nag-viral na review sa online travel company na Trip Advisor tungkol sa Plantation Bay Resort na isinulat ng ina ng isang anim na taong gulang na batang may autism.

Sa naturang review, isinalaysay niya ang kanyang naging karanasan na inilarawan nito bilang discriminating.

Aniya, humihiyaw daw ang kanyang anak sa tuwing sila ay nasa tubig, na kanyang ginagawa kung ito ay masaya o excited.

Gayunman, pinagalitan daw sila ng mga lifeguards kahit na pilit niyang ipinaliwanag na may special needs ang kanyang anak.

Sumagot naman ang resident shareholder ng resort na si Manny Gonzales at inakusahan itong nagsisinungaling dahil hindi naman daw sintomas ng autism ang hindi makontrol na pagsigaw.

Kalaunan naman ay humingi ng paumanhin si Gonzales.