Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang isang pulis na ginamit umano ng pamilya Teves bilang isang gunman sa Dumaguete City.
Ito ay matapos na maaresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa loob mismo ng Camp Crame ang akusado na kinilalang si Police Staff Sergeant Noel Santa Ana Alabata Jr., na kilala rin bilang Alfonso Edena Tan sa bisa ng dalawang warrant of arrest.
Kasunod ito ng inilabas na arrest warrant ng Regional Trial Court Branch 35 sa Dumaguete City para sa kasong attempted murder at ito ay mayroong fixed bail na Php120,000, habang nagmula naman sa Municipal Trial Courts of Cities ang isa pang arrest warrant na mayroong bail na Php36,000.
Ayon kay PNP-CIDG chief PBGEN Romeo Caramat Jr., si Alabata ay dating naka-assign sa PDEG Region 6 na ginamit umano ng mga Teves bilang hitman para sa isang kalaban nito sa negosyo.
Aniya, sa ngayon ay patuloy pang isinasagawa ng pulisya ang kanilang verification upang malaman kung mayroon pa itong ibang kasong kinasasangkutan.
Samantala, kasabay nito ay tiniyak naman ni Caramat na magiging patas sila sa lahat ng makakalap na impormasyon upang masiguro na mapapanagot ito sa batas.