BAGUIO CITY – Iimbestihagan na ngayon ng Provincial Joint Security Coordinating Council ng Abra ang umano’y pag-harass ng higit kumulang 40 na mga supporters ng re-electionist na alkalde ng Bangued, Abra sa isang kandidato ng pagkabise-gobernador at mga supporters nito kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Bangued Election Officer Atty. John Paul Martin na isasailalim sa assessment at imbestigasyon ng council ang nasabing insidente.
Aniya, kung sakaling mapapatunayang totoo ang insidente ay isusumiti nila ang resulta sa Regional Joint Security Coordinating Council para sa karagdagang validation at imbestigasyon.
Dinagdag niya na anoman ang resulta ang siyang pagbabasehan ng regional council sa irerekomenda kung itataas o ibababa ang kategorya ng election hotspot sa Abra.
Gayunman, sinabi ni Atty. Martin na sa report sa kanya ng hepe ng Bangued PNP ay walang harassment na nangyari at posible lamang na natakot ang complainant dahil sa dami ng sinasabing mga supporters ng inireklamong alkalde.
Nagberipika aniya ang mga pulis ngunit hindi na nadatnan ng mga ito ang mga naireklamong indibidual.