Itinanggi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang ulat na hinahabol ng komisyon ang isang heneral at isang prosecutor na umano’y nasa likod ng pag-leak ng impormasyon bago isinagawa ng pagsalakay sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Central Luzon.
Batay sa statement na inilabas ni PAOCC spokesman Winston Casio, walang katotohanan at misleading ang naturang report.
Ayon pa kay Casio, isang vlogger ang nagsabi nito at hindi ang PAOCC.
Paglilinaw ng opisyal, ibang tao ang sa ngayon ay tinitingnan at hinahabol ng komisyon.
Maalalang una nang sinabi ng PAOCC na posibleng may nag-leak ng impormasyon ukol sa isasagawang pagsalakay sa POGO hub sa Pampanga noong June 4, 2024.
Ito ay dahil umabot lamang sa 158 Chinese, Vietnamese, at Malaysian national ang kanilang mga nahuli gayong mahigit isang libo ang kanilang tinatayang mahuli noon.