Pinaiimbestigahan sa Kamara ang umano’y hindi magandang karanasang sinapit ng mga Filipino Muslim na nakibahagi sa 2023 Hajj.
Ito ay sa ilalim ng House Resolution 1107 na inihain ni Maguindanao del Norte with Cotabato City Representative BAI Dimple Mastura.
Sa kanyang Resolusyon, pinapaimbestigahan nito ang mga reklamo ng mga Muslim Filipinos na umanoy nakaranas ng hindi magandang mga kondisyon habang sila ay nagsasagawa ng banal na paglalakbay sa Mecca.
Kinabibilangan ito ng mga naantalang biyahe, problema sa hotel accomodation, kakulangan ng pagkain, hindi pagbibigay ng pagkain sa tamang oras, at iba pa.
Nauna na rin aniyang pinatotohanan ni Charge de’ Affaires Rommel Romato ang mga sinapit na ito ng mga Filipino pilgrim.
Ayon kay Mastura, ang imbestigasyon ay upang matukoy kung may pagkukulang ang National Commission on Muslim Filipinos na siyang pangunahing nangasiwa sa 2023 Hajj.
Kung sakali aniyang may pagkukulang, dapat mapanagot ang sinumang mapapatunayang nagkaroon ng kapabayaan.
Unang isinagawa ang 2023 Hajj nitong huling bahagi ng Hunyo, hanggang sa unang araw ng hulyo ng kasalukuyang taon.