-- Advertisements --

Napatay ng mga otoridad ang top 1 Most Wanted Person sa Central Visayas matapos umanong manlaban nang isilbi ang warrant of arrest sa Bayawan City, Negros Oriental kahapon,Hulyo 31, kasunod na rin ng isang buwang surveillance, casing at intelligence work.

Nagresulta ang operasyon sa pagkamatay ng suspek na si Alex Manegos Mayagma na umano’y hitman ng mga Teves.

Batay sa ulat ng pulisya, nakorner si Mayagma sa isang game farm at nang lapitan ng operatiba itinutok nito ang kanyang baril sa mga pulis at tinangkan barilin ang isa sa mga ito.

Nang maramdaman ang panganib, nakipag-agawan ang mga pulis at nagawang dinisarmahan ang suspek gayunpaman, tinangka nitong ilabas ang isa pang armas na nakatago sa loob sling bag kaya inunahan na ito ng mga operatiba.

Si Mayagma ay may nakabinbing warrant of arrest para sa apat na kaso ng pagpatay gayundin ang dalawang warrant of arrest dahil sa paglabag ng Republic Act 10591 at ng COMELEC Gun Ban.

Inihayag ni Negros Oriental Police Provincial Office Acting Director PCol Ronan Claravall na miyembro ang suspek sa private-armed group na nag-ooperate sa Negros Oriental.

Patuloy pa nilang iimbestigahan kung posible ba itong sangkot sa Pamplona massacre na nangyari noong Marso 4.

Nauna rito, lumitaw ang pangalan ni Mayagma sa mga pagdinig ng Senado kaugnay sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at iba pang nangyaring pagpatay sa lalawigan.

Maliban pa, pinangalanan din itong respondents kasama ang iba pa dahil sa pagpatay kay Board Member Miguel Dungog ng Siaton noong 2019.

Sinabi pa ni Claravall na nangangahulugan pa umano ang pagkamatay ng suspek na one-step closer para makamit ang ligtas at mapayapang komunidad.

Dagdag pa nito na may mga iilan pa umanong kasamahan ang suspek ngunit lumipat na sa ibang probinsiya at nagkawatak-watak na.