Pinangunahan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs para talakayin ang diumano’y isyu ng patuloy na radicalization at recruitment sa mga estudyante sa mga institusyong pang-edukasyon para maging miyembro ng mga lcal communist terrorist groups.
Sa pagdinig, naghain si Dela Rosa ng Senate Resolution No. 863, at inihayag ng Senador na layunin ng panukalang batas:
Una, na matukoy kung mayroong kapabayaan sa bahagi ng paaralan, mga administrador nito at mga guro na gamitin ang kanilang special parental authority sa menor de edad na bata sa ilalim ng kanilang pangangasiwa, pagtuturo o pag-iingat;
Pangalawa, upang matukoy at matugunan ang mga butas sa mga probisyon sa ilalim ng Anti-Terrorism Act at iba pang nauugnay na batas;
At pangatlo, upang muling bisitahin ang mga polisiya na nakatuon sa pagkontra sa mga radical ideologies.
Ayon sa Senador, kinakailangang isaisip ang mga responsibilidad upang matiyak na ang mga batas at patakarang inilalagay ay naaayon sa mga prinsipyo ng ‘Parens Patriae’.
Magpapatuloy aniya sa isang pangako na isulong ang kapakanan ng mga kabataan.